Ang Panglabas at Pangloob na Katauhan

0

 

Laking takot ng mga residente sa isang bayan sa Florida, nang ang kalsada sa tapat ng apartment na kanilang tinitirhan ay biglang gumuho. Kasamang gumuho sa malalim na balon ang nagdaraang sasakyan. Tinatawag ito ng mga syentipiko na “sinkhole”. Nangyayari ito kapag ang tubig sa ilalim ng lupa ay natutuyo dahil sa tag-tuyot. At dahil walang suporta sa ilalim, madali itong bumagsak. Ganito rin ang nangyayari kapag ang personal na buhay ay hindi matatag. Ngunit kalimitan nalalaman natin ito kapag nagkaroon na nang malaking problema, katulad ng pagkakaroon ng isang “sinkhole”.

May dalawang mukha ang ating katauhan, ang panlabas at panloob. Ang panlabas ay ang ating trabaho, pag-aari, relasyon sa kapwa, sports, ministries, atbp. Ang  mga ito ay madaling pamahalaan. Madali ring masukat ang tagumpay natin dito. Ngunit kalimitan kumakain ito ng ating lakas, oras, atensyon, salapi, maging ng ating katapatan. At dahil ang panlabas na aspeto ng buhay ay nakikita, mas malaki ang tukso na bigyan ito ng pansin. Malimit na ang pribadong buhay ay naisasakripisyo, hanggang magdala ito sa malaking problema.

Sa mga Kristiano, ang pinakamatinding digmaan ay sa ating pribadong buhay. Maaring marami tayong responsibilidad o ginagawa sa kaharian ng Dios. Tayo ay mabuting Kristiano sa tingin ng iba, subalit maaring tayo ay masyadong pagod o “disorganized” at nakakalimutan natin na isa-ayos ang ating ispiritwal na buhay.  Lingid sa atin, tayo ay napapalapit sa isang “sinkhole”.

Ang tagumpay ng isang tao ay nasusukat hindi sa nagawa niya sa panlabas kundi sa kalagayan ng kanyang puso na isinasa-ayos ayon sa kanyang relasyon sa Dios. Mahirap ito sa makasariling kalikasan ng tao, sapagkat ang pagpapalago ng relasyon sa Dios ay hindi nakikita. Walang pupuri sa atin kung matapat nating ginagawa ang pananalangin, pagbabasa ng Biblia at pag-aaral ng Salita ng Dios. Kaabalahan sa marami ang ipangilin ang araw ng Sabbath, kabawasan ang pagbibigay ng ikapu at handog, panghihinayang ang tingin sa talento na iniukol para sa gawain ng Kaharian ng Dios. Subalit ang mga nagtatapat sa Panginoon, na gumagawa ng mga ito ay may matatag na pundasyon sa pangloob na katauhan at walang pangamba na magkakaroon ng “sinkhole” o pag-guho sa kanyang buhay. Ang Panginoon mismo ang Siyang nagpapatibay sa atin.

 

Hango sa Ordering Your Private World ni Gordon MacDonald. 1985. Thomas Nelson Publishers.

 

Contact Us

Angeles Heights, San Pablo City, Laguna Philippines 4000
Back to top