Ang Krus at ang Kaluluwa ng Tao

0

 

IMG_4046[1]

“Sapagkat ano ang maibibigay ng tao kapalit ng kanyang buhay?”

                                                                                    Mark 8:3

Ipinahayag ng krus na ang kaluluwa ng tao ay lubhang mahalaga. Sinabi ng Panginoon, “Sapagkat ano ang mapapakinabang ng tao na makamtan ang buong sanlibutan, at mapahamak ang kanyang buhay?”  Nangungusap ang krus tungkol sa kasalanan ng tao. Ang ating Panginoon ay nabayubay sa Krus upang iligtas ang ating mga kaluluwa. Hindi kayang isipin na mismong Anak ng Dios ang kailangang magligtas sa ating kaluluwa. Ganito kahalaga ang ating kaluluwa. Kaya hindi natin dapat ipag-walang bahala ang ating mga kaluluwa, kundi dapat na bigyan ng malaking pansin sa ating buhay.

Mahalaga ang katawan.  Hindi isinasaad sa Ebanghelyo na maliitin ang  katawan. Ngunit ang pakay ng Ebanghelyo ay ipaunawa sa tao na ang kaluluwa ang siyang mahalaga. Ito ay mananatili magpakaylanman. Iniwan ni Kristo ang kalualhatian sa langit, sinunod ang Ama at nagpailalim sa poot ng krus hindi upang mapunuan ang pangangailangan ng ating katawan o magkaroon tayo ng malawak na kaalaman, kundi upang iligtas ang ating kaluluwa. “Sapagkat ang Anak ng Tao ay dumating upang hanapin at iligtas ang nawala.” (Lukas 19:10)  Ang nawala sa tao ay ang kanyang kaluluwa.

Ang krus ay hindi lamang nagpahayag ng kasalanan ng tao. Ito rin ay isang makapangyarihang pagpapahayag ng solusyon ng Dios sa malaking problema ng kasalanan. Sa Roma 3:25-26 ay mababasa “…Siyang inialay ng Dios bilang handog na pantubos…upang maipakita ang pagiging matuwid ng Dios, sapagkat sa Kanyang banal na pagtitiis ay Kanyang pinalampas ang mga kasalanang nagawa sa nakaraan.”. Kung kaya’t “Para sa ating kapakanan, ginawa Niyang makasalanan Siyang hindi nakakilala ng kasalanan upang sa Kanya, tayo’y maging katuwiran ng Dios.” (2 Cor. 5:21). Ang Krus ang sagot ng Dios sa problema ng kasalanan. Doon sa Krus, Ibinuhos ng Dios ang tindi ng Kanyang galit. Sinabi Niya na paparusahan Niya ang kasalanan at “Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan.” (Roma 6:23)  Ito ay Kanyang tinupad doon sa krus. Ang bugtong na Anak ang tumangggap ng lahat ng ito doon sa Krus ng kalbaryo.

Ang krus ay isa ring paanyaya. “Kayo’y bumaling sa Akin at kayo’y maliligtas, lahat ng dulo ng lupa, sapagkat Ako’y Dios at walang iba liban sa Akin” (Isaias 45:22)  Ang krus ay isang imbitasyon. Isinasamo na tayo’y makinig at bigyan ng halaga ang ating kaluwala sa paglapit kay Kristo.

 

Isinalin sa Filipino, hango  kay Lloyd Jones, Martin. 2003. Walking with God Day by Day.

 

 

Contact Us

Angeles Heights, San Pablo City, Laguna Philippines 4000
Back to top