Ang Galit na Darating (Mateo 3:7)

0
IMG_4702[1]

Pagkatapos na manalasa ang isang malakas na bagyo, lantad man ang pagkasira sa paligid, ngunit may mga bagay na maganda sa paningin. May kislap ang mga natitira pang patak ng ulan, sariwa ang hangin at mababanaag ang muling pagsikat ng araw. Ito ang kalagayan ng bawat Kristiano. Naglalakbay siya sa lupain na nagpahirap sa katawan ng Tagapagligtas at kung may kalungkutan man, ito ay tinutunaw ng habag ni Hesus. Si Hesus din ang nagpapatotoo sa Kanyang bayan na lahat ng Kanyang paghihirap na dinanas sa lupa ay hindi para sa Kanyang pagkawasak.

Pagkabalisa naman at takot ang mararamdaman kung mabalita ang pagdating ng isang malakas na unos. Makikita sa langit ang pagdidilim nito, ang mga ibon ay nagsisipagtago, ang mga hayop ay yumuyoku sa takot. Ang araw ay hindi sumisikat at nagbabadya ang galit na langit. Ibayong pagkabalisa rin ang pag-iintay sa naibalitang pagdarating ng isang buhawi. Maiisip ang lupit nito at ang pananalasang mangyayari. May pag-ngangalit nitong bubunutin ang bawat puno at anumang nakalatag sa kanyang daraanan. Titibagin nito ang naglalakihang bato at ipinupukol sa mga kabahayan.

Ikaw na makasalanan, ito ang iyong kalagayan. Hindi mo pa nararamdaman ang patak ng apoy mula sa langit, subalit isang malakas na buhos ng apoy ang darating. Wala pang nagnangalit na ihip ng hangin, ngunit nagiipon ito ng hindi masukat na lakas. Ang baha ay naiipon pa sa dambuhalang imbakan ng awa ng Dios, ngunit ito ay bubuksan at may pagkagalit na sasambulat sa sangkatauhan. Ang kulog at kidlat ay nanahimik sa imbakan ng Dios, subalit ito ay gagawa ng nakapanghihilakbot na ugong at pagkawasak. Ang pwersa ng kalikasan ay nagmamadali sa pagdating at kalunos-lunos ang araw na iyon. Ang Dios na nabibihisan ng balabal ng paghihiganti ay darating na may matinding pagka-galit.

O Makasalanan, saan ka magtatago? Saan mo ikukubli ang iyong ulo? Saan ka katatakas upang layuan ang galit na darating? Sana ang kamay ng awa ni Kristo ang umakay sa iyo. Siya ay inaaalok ng walang bayad sa Ebanghelyo. Sa kanyang may sugat na tagiliran ay maari kang mag-tago. Alam mo ang pangangailangan mo kay Kristo. Manampalataya ka at ibigay mo ang iyong sarili sa Kanya. Kung mag-kagayon, ang hindi masukat na galit ng Dios ay lilipat sa kahapon at hindi mo na ito mararanasan pa dahil kay Kristo. Ngunit kung hindi ka magsisi at manampalataya, ang hindi masukat na galit ng Dios ay tiyak na darating sa iyo.

Classic Devotional Morning and Evening by Charles H. Spurgeon. From Daily Scripture (Lite) 2014. Tap Tap Studio. February 25, 2015.

Contact Us

Angeles Heights, San Pablo City, Laguna Philippines 4000
Back to top