Ang Doktrina Pagpili ng Dios ay Nagbubunga ng Kabanalan

0

Ang kababaang-loob, pagmamahal, at pagpapasalamat ay tatlong mahahalagang bunga ng tunay na relihiyon. Ang doktrina ng “pagpili” ay naghuhubog nito sa puso ng isang Kristiano.

Dahil sa kasalanan na namana ng sangkatauhan kay Adan, ang patutunguhan ng bawat tao ay habang-buhay na pagdurusa sa impiyerno. Kung ang makasalanan ay naligtas, ito ay hindi dahil sa siya ay karapat-dapat, kundi dahil lamang sa mabiyayang pagpili ng Dios. “hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang ang sinuman ay huwag magmalaki.” (Efeso 2:9).

Ang “pagpili”, una sa lahat ay nagbubunga ng kababaang-loob sa isang mananampalataya. Walang mabuti na makikita sa atin ang Dios. Sa Kanyang harapan ay kagaya rin tayo ng taong masasama sa ating paligid, maging ng mga namatay na hindi Kristiano na ngayon ay tumatanggap ng matinding paghihirap sa impiyerno. Gaya ng sinabi ni Pablo “Sapagkat sino ang nakakakita ng kaibahan mo? At ano ang nasa iyo na hindi mo tinanggap? At kung tinanggap mo bakit mo ipinagmamalaki na parang hindi mo tinanggap?” (I Corinto 4:7).

Ang doktrina ng pagpili ay dapat mag-udyok sa mananampalataya ng malaking pagmamahal sa Dios. Tayo ay dating mga suwail na dapat parusahan gaya rin naman ng iba. Subalit tayo ay nakatanggap ng hindi masukat na biyaya ng kaligtasan. Itinaas tayo ng Dios sa Kanyang kaharian, at sa bawat araw ay tumatanggap tayo ng hindi mabilang na pagpapala. Hindi ba dapat na magtulak ito sa atin na mahalin ang Dios ng labis?

Pagpapasalamat ang dapat na mamutawi lagi sa mga labi ng pinili ng Dios. Kung minahal ng Dios ang makasalanang tulad natin, hindi ba dapat na pasasalamat at mainit na paglilingkod ang ialay natin sa Kanya? Ang sabi ni Pablo “ Ako ay laging nagpapasalamat sa aking Diyos tungkol sa inyo, dahil sa biyaya ng Diyos na ibinigay sa inyo sa pamamagitan ni Cristo Jesus.” (Efeso 1:4).

Pagpapakumbaba, pagmamahal at pagpapasalamat sa Dios. Ito ang mga bunga ng tamang pag-kaunawa sa biyayang pumipili. Ang doktrina ng “pagpili” ay dapat humikayat sa atin na mas maging mabuting mananampalataya.

Isinalin sa Filipino mula sa aklat na By God’s Grace Alone ni Abraham Booth

Contact Us

Angeles Heights, San Pablo City, Laguna Philippines 4000
Back to top