Ang Diyos Ang Aking Kabahagi

0

Kristiano, tingnan mo ang iyong tinatangkilik at ihambing mo sa pag-aari ng mga hindi Kristiano.  Sila ay may malawak na lupain at taniman. Ang kanilang ani ay laging sagana. Kaya’t sila ay mayaman dito sa lupa. Subalit ano ang malawak na taniman kumpara sa Dios ng Masaganang Ani? Ano ang umaawas na imbakan ng butil kumpara sa Kanya na Siyang kumakalinga at pinagmumulan ng lahat na kinakain ng buong nilalang sa lupa?

Ang yaman ng iba ay limpak limpak na salapi na dumadaloy sa kanilang kaban ng yaman. Subalit ano ang salapi kumpara sa Dios? Hindi ka maaaring mabuhay sa pera lamang. Ang iyong espiritwal na buhay ay hindi kayang pakainin nito. Kaya ba nitong payapain ang kamandag ng nababagabag na konsiensya? Kaya ba nitong bigyan ng kahit na konting saya ang nabibigatang puso? Subalit nasa sa iyo ang Dios, at Siya ay higit pa kaysa ginto, salapi o anumang yaman na maaaring angkinin.

Naroon naman ang yaman ng iba sa pagmamahal, popularidad at paghanga ng tao. Subalit tanungin mo ang iyong sarili, ang mga ito ba ay mas mahalaga kaysa sa iyong Dios? Kahit itanghal ka ng libo-libong tao, hindi ka nito ihahanda sa pagharap sa hukuman ng Dios.

Ang kalungkutan sa buhay ay hindi napapawi ng kayamanan. Sa oras ng kamatayan, kahit ang buong yaman ng lupa ay hindi maaring makapagbigay ng kapayapaan sa nakaambang paghuhusga sa nag-aagaw buhay na kaluluwa. Subalit kung ang Dios ang iyong kayamanan, nasa sa iyo na ang lahat ng mabubuting bagay na pinagsama-sama. Sa Dios, lahat ng pangangailangan ay napupunan; inaaliw Niya ang iyong puso; inaalis Niya ang iyong takot; ginagabayan Ka Niya sa iyong paglakad sa madilim na lambak; inaakay ka Niya patungo sa kalangitan, kung saan magagalak ka sa Kanya na iyong Kabahagi magpakaylanman.

“Sapat na ito sa akin.” ang sabi ni Esau. Ito ang pinakamabuting maaaring sabihin ng isang tao sa mundo. Subalit ang sabi ni Jacob, “Ang lahat ay nasa akin.” Ngunit sa isang taong makamundo, ang pag-iisip na ito ni Jacob ay napakahirap abutin.

 

Mula sa aklat na “Morning and Evening” ni Charles H. Spurgeon

Contact Us

Angeles Heights, San Pablo City, Laguna Philippines 4000
Back to top