Ang Dios-diosan Sa Ating Panahon
0Kung hindi nakasentro ang puso kay Kristo at sa Ebanghelyo, nagkakaroon ng puwang ang puso na mahumaling sa mga dios-diosan sa ating kapanahuhan. Ang mga dios-diosan ay hindi ang mga inanyuang rebulto kundi mga bagay na naglalayo sa atin kay Kristo, palapit sa isang bagay na hindi kalooban ng Dios.
Pinakamaraming babala ang Biblia tungkol sa pag-samba sa dios-diosan. Mariin ang tagubilin ni Apostol Juan na layuan ang mga dios-diosan (I Juan 5:21). Maaring kumbinsido tayo na “Si Hesus ang ating Panginoon.”, subalit ang ating motibasyon ay maling ambisyon at mithiin sa buhay. Maaring tayo ay nananalangin ng taimtim para dito, at dahil hindi sumasagot ang Panginoon, tayo ay naiinip at nagrereklamo.
Kung hindi matibay ang paghawak natin sa Salita ng Panginoon, hindi natin makikita na ang atin palang hinihiling ay isang dios-diosan. Ngunit nakikita ng Dios na lumalayo na pala ang ating puso sa Ebanghelyo at kay Kristo bilang ating tanging katuwaan at layunin sa buhay. Hindi sasagutin ng Dios ang panalangin na magbubulid sa atin sa pagsamba sa dios-diosan.
Minsan nagkakamali tayo ng paghiling sa Dios, dahil ang nais natin ay mga bagay na magpapaginhawa at magpapasaya sa atin. Nguni’t ang nais ng Panginoon ay hindi ang maging komportable tayo kundi ang maging kawangis ni Kristo. At kailan ba tayo mas nagiging kawangis ni Kristo? Hindi ba sa mga oras ng kahirapan, ng pagkakasakit, ng pagtitiis, ng paglaho ng ating mga ambisyon? Sa mga ganitong panahon, kinakatagpo tayo ng Ama at hinuhubog Niya tayo ayon sa imahen ng Kanyang Anak na si Hesu-Kristo. O! kay buti ng Dios sa atin!
Hango sa aklat ni Brad Bigney. 2012. Gospel Treason: Betraying the Gospel with Hidden Idols. Kindle Edition