Ang Bukas
0Iba’t iba ang pananaw ng tao tungkol sa “Bukas.” Mayroong nagsasabi, “ipagpabukas na” ang gawaing maaari namang gawin ngayon. Ito ay katamaran at hindi mabuting pagtingin sa araw ng bukas. Ito ay nagpapabansot sa paglago at pagiging mabunga ng isang tao.
Mayroon namang may maling pagtitiwala sa “Bukas” lalo pa sa mga umaasenso sa buhay. At dito sila ay nagmamalaki, “Ngayon o bukas ay pupunta kami sa ganito o ganoong bayan at kami ay mangangalakal doon ng isang taon at kikita” (Santiago 4:13). Kaya sinabi ni Santiago: “Gayunman ay hindi ninyo nalalaman kung ano ang magaganap bukas. Ano ba ang inyong buhay? Kayo nga’y isang singaw na sa sandaling panahon ay lumilitaw, at pagkatapos ay naglalaho” (Santiago 4:14).
Subalit para sa mga Kristiano, may pagpapalang dala ang araw ng bukas. Maaari nating tingnan ang “Bukas” ng may paghihintay ngunit may kasiguraduhan na ang lahat ay nag-uugnay para sa ating kabutihan. Masasabi nating, “Hindi ako natatakot sa kung anuman ang dala sa akin ng araw ng bukas. Dahil alam ko na ang lahat ng mga araw ay nasa kamay ng Dios at bawat nilikha ay sumusunod sa Kanyang utos. Maging madilim man ang probidensya ng Dios tiwala ako na ito ay dikta ng Kanyang hindi masukat na karunungan.” Maihahalintulad ang “Bukas” sa bagong panday na ginto sa ating pintuan sa bawat umaga, dala nito ay pagpapala para sa ating kabutihan.
Kaya nga dapat nating tingnan ang “Bukas” ng may katuwaan. Sa bawat paglipas ng araw, sa bawat bukas na darating ay patuloy tayong lumalapit sa kalualhatian. Ang bawat bukas ay katulad ng isang hakbang palapit sa langit o isang biyahe ng bangka sa maalong dagat palapit sa walang-hanggang daungan.
Masasabi natin, “Oo, naghihirap man ako ngayon at nasa dilim ng pagdurusa, subalit nakikita ko ang bukas. Lilipad ako at iiwan ko ang kabigatang ito, dahil bukas ay may bagong pag-asa.”
Charles H. Spurgeon. Gleanings.