Ang Biyaya ng Dios sa Mapagpayapa
0
May espesyal na pagpapapala si Abraham dahil sa kanyang mabiyayang pag-aayos ng gusot sa kaniyang pamangkin na si Lot. Sinabi ni Abram kay Lot. “ Huwag na tayong magkaroon ng pagtatalo, maging ang ating mga pastol, sapagkat tayo’y magkapatid. Di ba nasa harapan mo ang buong lupain? Humiwalay ka sa akin. Kapag kinuha mo ang nasa kaliwa, ako’y pupunta sa kanan, o kapag kinuha mo ang nasa kanan, ako’y pupunta sa kaliwa.” (Genesis 13:8-9).
Sinabi ng Panginoon kay Abram… “… Tumanaw ka mula sa dakong iyong kinalalagyan sa dakong hilaga, timog, silangan at kanluran; sapagkat ang buong lupain na natatanaw mo ay ibibigay ko sa iyo, sa iyong binhi, magpakailanman” (Genesis 13:14-15).
Ang Dios ng kapayapaan ay malugod na nagbibigay ng masaganang biyaya sa Kanyang anak na mapagpayapa. Kung nais natin ng malapit na relasyon sa Dios, kailangan nating hanapin ang daan ng kapayapaan at maging instrumento ng kapayapaan saan man tayo naroon.
Dahil sa pagsasakripisyo ni Abraham para sa kapayapaan, napanatili niya ang kanyang magandang relasyon kay Lot. Kung tayo ay nagsasakripisyo alang-alang sa kapayapaan, ang Dios ang magpupuno ng mas higit pa sa ating inaasahan. Si Abraham ay nagparaya ayon sa pananampalataya. Kailangang niyang maghintay ng mahabang panahon. Ngunit ayon sa pangako, tinanggap ni Abraham at ng kanyang lahi ang hindi masukat na biyaya.
Para sa mga mapagpayapa, masaganang pagpapala ang laan ng Dios dahil sa ating relasyon kay Kristo. Kung natutuwa ang Dios sa atin, hinahayaan Niya na tumingin tayo sa lahat ng dako, sapagkat lahat ng ito ay atin, ito man ay pangkasalukuyan, o panghinaharap. Ang lahat ay atin, dahil tayo ay na kay Kristo, at dahil sa ang lahat ng sa Dios ay kay Kristo. Ating mataimtim na pagbulay-bulayan ang katotohanang ito.
Mula kay Charles H. Spurgeon