Ang Ating Kaisipan

0
IMG_0961

Marami man ang bulaklak ng puno ng mangga, hindi lahat ng ay magiging bunga. Marami ang matutuyo, ang iba naman ay kakainin ng ibon o insekto. Ang kaisipan ng tao ay maaaring maihalintulad dito. Marami sa mga ito ay walang pakinabang sa kaluluwa. Ang iba naman ay maaaring magbulid sa kasamaan kung ito ay isagawa.

Bawat gawa ng tao ay pinag-iisipan. Ang gawang masama ay nag-umpisa sa plano  at saka isinagawa. Bawat salitang masama na nakasakit sa kapwa ay pinag-isipan muna. Kung disiplinahin ng tao ang kanyang sarili, maaring mapigilan ang pag-gawa o pagsasalita ng ng masama. Subalit mas higit na mabuting depensa ang huwag nang mag-isip pa ng masama.

Kung ang isip ay puspos ng pagnanais na gumawa ng mabuti, at kung ito ay ipinapanalangin at pinapalago sa isip, ang bunga nito ay mabubuting gawa  na kalugod-lugod sa Dios at tao. Hindi kailangang pigilan ang mabuting iniisip. Ito ay pakinabang sa kaluluwa. Ang pagdidisiplina sa ating mga iniisip ay mahalaga sapagkat dito nahuhubog ang ating pag-katao. “Sapagkat kung ano ang iniisip niya sa loob niya, ay gayon siya” (Kawikaan 23:7).

Ang kaisipan ng isang Kristiano ay nilinis na ng dugo ni Kristo nang siya ay manampalataya sa Kanya. Ito ay isang kahanga-hangang bagay. Ngunit kailangang palaguin at patabain ang mga ito sa pamamagitan ng pag-papailalim sa mga daan ng biyaya (means of grace). Dumating man ang pag-subok,  hindi siya matitinag. Nasa kanya ang kapayapaan ng puso at isip.

Dahil kay Kristo, ang kaisipan ng Kristiano ay may tuloy-tuloy na daloy ng mabubuting kaisipan. Para itong isang matabang lupa na nagbubunga ng masagana, hindi  pana-panahong bunga, kundi sa lahat ng panahon.

Kaya sikapin natin na maging dalisay ang laman ng ating mga isip. Dito nakasalalay kung tayo ay magiging mahina o mabunga sa ating pananampalataya.

 

Hango sa Thinking Spiritually by John Owen

 

 

 

Contact Us

Angeles Heights, San Pablo City, Laguna Philippines 4000
Back to top