Alalahanin Mo
0Ipinakita ng Mangangaral sa Ecclesiastes 2 na hindi malalaman ng tao ang kahulugan ng buhay kung wala ang Dios. Walang saysay ang hahantungan ng buhay kung hanapin man ito sa karunungan, kayamanan, kasipagan, o kalayawan ng laman. Ang mga ito ay hindi magbibigay ng sagot sa malaking katanungan ng buhay.
Kaya’t namamanhik ang Mangangaral na sa halip ay dapat alalahanin ang Dios na Lumikha. Ito ay ang seryosong pagtalima sa Kanya. Dapat nating hanapin ang Dios sapagkat tayo ay Kanyang desenyo. Siya ang lumikha sa atin at kilala Niya ang ating buong pagkatao. Siya ay makapangyarihan at maaari tayong dumipende sa Kanya.
Ngunit dapat na samantalahin ang panahon sapagkat ang araw ay masasama. Ang ibig sabihin ay darating ang mga araw kung saan ang katawan ay unti-unting masisira at papangit hanggang humantong sa kamatayan. Sa malaon at madali ang katawan ay babalik sa alabok, at ang espiritu ay huhusgahan ng Dios na lumikha. Ang buhay ay marupok. Nakaabang ang realidad ng kamatayan. Kaya’t ang lakas ng kabataan ay huwag sayangin sa paghahanap ng mga bagay na sa huli ay hindi magdudulot ng wagas na kaligayahan.
Ngayon ang panahon upang alalahanin ang Dios. Ang bukas ay hindi sigurado. Tingnan natin ang ating makasalanang kalagayan sa liwanag ng pagpapatawad ng Dios kay Kristo. Ang pagkatakot sa Dios ang magpapalaya sa atin sa iba pang mga takot sa buhay. Ito lamang ang paraan upang ating masusumpungan ang tunay na kahulugan ng buhay sa ilalim ng araw.
Mula sa sermon ni Alistair Begg. Remember. Truth For Life. Sermon audio