Ang Dakilang Misyon Ng Isang Ina
0Ano ang nakapaloob sa pagiging ina? Matapos ang pagbubuntis at paghihirap na isilang ang sanggol, ang kasunod nito ay maraming taon ng pagpapalaki at paghubog ng mabuting ugali. Kasama rin ang pagtuklas ng talento na ibinigay ng Diyos sa bata at pinapayabong ito; matiyagang pagdidisiplina at pag-akay sa daan ng kaligtasan. Kalimitan ang mga taong nagbigay ng matinding dagok sa kaharian ni Satanas, o nag-ambag ng malaki sa lipunan, ay pinalaki ayon sa pamamalakad ng makadios at matapat na Ina.
Ang mga anak na hindi nabigyan ng tamang pagpapalaki at pagmamahal ay may pilat sa pag-uugali na dadalhin sa kanilang buong buhay. Kahit maging isang Kristiano, ang mga kahinaang ito ay kalimitang nagiging balakid sa paglilingkod sa Dios.
Ang pagiging ina ay seryosong gawain. Ang kanyang tunay na kasihayan ay hindi sa mga halik at magagandang regalo, kundi ang makitang ang kanyang anak ay lumalakad sa katuwiran ng Dios. Nakatali sa kanyang mga anak ang kanyang kaligayahan. Kaya’t kung ang anak ay naging masama, dudurugin nito ang puso ng kanyang ina.
Mabigat ang responsibilidad ng isang ina. Sa kanyang sarili, hindi niya ito kakayanin. Bukod pa rito, marami ang tukso sa paligid na hihila palayo sa pamilya. Ngunit ang Diyos na nagdesenyo ng pamilya ang Siya ring magbibigay ng biyaya sa isang matapat na ina, subalit ito ay may katapat na tungkulin. “Ngunit ililigtas ang babae sa pamamagitan ng panganganak, kung sila’y mananatiling may kaayusan sa pananampalataya, pag-ibig at sa kabanalan” (I Timoteo 2:15).
Malaki ang ambag ng isang matapat na ina sa kaharian ng Dios. Ang kanyang paglilingkod sa pamilya ay aagos sa paglilingkod sa Iglesia. Ayon sa statistics, 67% ng miembro sa evangelical churches ay mga babae. Kung mawala ang sentro ng ina sa pamilya, may epekto rin ito sa Iglesia.
Mahalaga ang tungkulin ng mga ina sa pagpapalaganap ng Kristianismo. Kung hindi matapat na maibahagi ang tamang pananampalataya sa susunod na henerasyon, ang Iglesia ay unti-unting maglalaho.
Purihin ang mga ina sa kalagitnaan natin! Sa takdang panahon, makakamtan nila ang pagpapala ng Diyos sa lahat nilang pagpapagal.
Happy Mothers’ Day!
Mula sa The High Calling of Motherhood ni J. Walter Chantry. Published 1986, by the Banner of Truth Trust.