Kabilang kay Kristo O Sa Sanlibutan

0
SAM_0512

Malinaw ang paglalarawan ng Panginoon sa isang Kristiano. “Ipinahayag ko ang Iyong pangalan sa mga taong ibinigay Mo sa akin mula sa sanlibutan. Sila ay sa Iyo at sila’y ibinigay Mo sa Akin, at tinupad nila ang Iyong salita”;“Ibinigay ko sa kanila ang Iyong salita at napoot sa kanila ang sanlibutan, sapagkat hindi sila taga- sanlibutan, gaya Ko naman na hindi taga-sanlibutan. Hindi ko hinihiling na alisin Mo sila sa sanlibutan, kundi ingatan Mo sila mula sa masama. Hindi sila taga sanlibutan na gaya Ko na hindi taga-sanlibutan.”

Madiing sinabi ng Panginoon na ang mga Kristiano ay inalis Niya sa sanlibutan. Paulit-ulit na binanggit ito ni Hesus. At dahil kinuha na sa sanlibutan, hindi na sila nabibilang pa dito. Malinaw ang katotohanang ito mula umpisa hanggang sa katapusan ng Biblia.

Mahirap ito para sa isang Kristiano. Maraming bagay dito sa sanlibutan ang umaakit  kahit sa mananampalataya. Nabubuhay tayo dito sa sanlibutan at ang ating lumang pagkatao ay nakahilig pa rin sa mga bagay sa sanlibutan. Kaya’t ang bawa’t Kristiano ay ipinapanalangin ni Hesus  (Juan 17:9).Ito ay dapat maging kaaliwan ng bawat Kristinao na nakikipaglaban dito sa sanlibutan.

Dalawa lamang ang pagkakahati ng tao sa mundo. Yaong nasa sanlibutan at yaong kabilang kay Kristo.  Kung tutuusin, walang iba pang pagkakahati ang tunay na may halaga sa buhay ng tao. Ngunit napakaraming tao ang ibinibilang ang sarili, at nagbibigay ng importansya sa iba’t-ibang paghahati dito sa mundo. [Halimbawa tinitingnan ng tao na may mayaman at mahirap, matalino at mangmang, matagumpay at hindi matagumpay, at nais ng tao na mabilang sa bahagi na kasiya-siya sa kanya.] Dahil dito hindi makita ng tao ang tunay na kahulugan ng buhay. Marami ang nalulungkot, talunan, at walang direksyon ang buhay.  Isang trahedya na ibigay ang buhay sa maling hangarin  at sa huling araw ay masumpugang na tayo ay nagkamali. Sa oras ng kamatayan, wala nang pagkakataon pa na itama ang mali.

Mahalaga na itanong natin sa ating sarili, ako ba ay nabibilang sa sanlibutan o hindi? Nagbibigay ba ako ng mas malaking importansya sa mga bagay na narito sa sanlibutan? Gaano kahalaga sa akin si Hesus?

Sa oras ng kamatayan,  walang saysay kung saang partido tayo ng pulitika nabibilang; Walang kaibahan kung tayo ay mahirap o mayaman; matalino man o mangmang; May kapansanan man o wala.  Isa lamang ang tunay na  paghahati ng tao, at dito tayo huhusgahan: Kung tayo ay kabilang kay Kristo o kabilang sa sanlibutan.

 

Martyn Lloyd-Jones. 2004. Walking with God Day by Day.

Contact Us

Angeles Heights, San Pablo City, Laguna Philippines 4000
Back to top