Pagdurusa

0
IMG_2068

Ang tunay na pananampalataya ay naipapahayag hindi lamang sa gawa kundi mas higit sa oras ng pagdurusa. Ang pagkabigo ng inaasam-asam na pangarap, kahirapan, pag-iisa, pagkamatay ng mahal sa buhay, pagkaratay sa malalang sakit, pag-alipusta, at pag-uusig ay maaaring danasin ng isang Kristiano. Subalit kung tanggapin ito ng may pagpapasakop, ang katapat nito ay maluwalhating korona. Ito ang sinabi ni Kristo. “Ama, kung ibig Mo, ilayo Mo sa Akin ang kopang ito, gayunma’y huwag ang kalooban Ko ang mangyari kundi ang sa Iyo.” (Lucas 22:42)

Mula sa pagdurusa ay dadaloy ang bagay na maganda para sa kaluluwa. Mula sa pagdurusa, naisatitik ni David para sa atin ang nakapagpapalakas na mga Psalmo. Dahil sa mga “tinik sa laman” ni Pablo, ating masasalamin ang kanyang kahabagan at pagmamalasakit sa pahina ng kanyang mga sulat.

Sa pagdurusa, natututo tayong makiramay sa iba. Alam natin ang tunay na pagkahabag ni Kristo sa mga naghihirap sapagkat dinanas Niya ang mga ito. Ang tunay na pakikiramay ay nanggagaling sa pusong nakakaunawa ng paghihirap.

Ang pagtulong ay pakikibahagi sa pagdurusa ng iba. Si Kristo ay lubos na naghirap upang mailigtas Niya ang makasalanang bayan. Gayundin naman, silang nagnanais na tumulong sa iba ay dapat na handa ring magdusa. Hindi natin mararanasan ang kaligayahan ng pagtulong kung hindi natin kayang makibahagi sa paghihirap ng iba. Ang pagtulong ay kalimitang may katapat na halaga ng oras, pagod at salapi. Dapat na handa tayong ibigay ang mga ito.

Ang pagdurusa ay instrumento ng Ama upang gumawa ng malalim na paglilok sa isang magandang Obra. Magtiwala tayo sa Diyos at huwag nating iwasan ang bagay na bagamat masakit ay magpapaganda naman sa ating buhay ispiritwal, relasyon sa Diyos at tao.

 

Hango sa Streams in the Desert ni L.B. Cowman

Contact Us

Angeles Heights, San Pablo City, Laguna Philippines 4000
Back to top
%d bloggers like this: